ika-walo ng umaga at naglakad lang ako patungo sa pagamutan na may limang daang metro mula sa bahay (sa kabilang bloke lang). hindi masyadong malamig ang simoy ng hangin at nasisimula pa lamang dumami ang mga sasakyang patungo sa kanikanilang trabaho kaya't madaling nakatawid ng kalsada patungo sa pagamutan.
tatlumpong minuto pang naghintay sa ibaba ng gusali dahil medyo napaaga ang aking pagdating para makipagkita sa dalubhasang manggagamot. dala-dala ko ang lumabas na bato mula sa aking pag-ihi (9mm x 6mm).
pagsapit ng tamang oras ay pumasok ako at nagsulat ng mga detalye tungkol sa pribado kong manggagamot (dr pasricha at dr chan) na syang nagrekomenda sa akin para makipag kita sa espesyalitang aking katagpo sa araw na ito (dr dicostanzo).
ayon sa espesyalista ay mabuti at kusang lumabas ang bato mula sa kaliwa kong "kidney". normal na nangyayari ito kapagka bumaba ang bato sa "bladder" at nakita raw niya sa CT scan na nakapusisyon ito sa ibaba ng blabber kaya't posible talagang lumabas ito ng kusa. kinumpirma nya na malinis na ang kaliwa kong kidney.
kaya nga lang ay binigyan nya ako ng babala na mayroong kasing laki ng lumabas na bato ang sa ngayon ay may 1-inch ang layo sa ibaba ng kanang kidney. sa ngayon ay hindi ko pa ito mararamdaman dahil malayo pa sa ihian. ayon sa kanya ay humigit kumulang ay bibilang pa ng taon bago ito bumaba at magdulot ng matinding sakit gaya ng aking naramdaman noon sa kaliwa kong kidney.
ang lahat ng aming napagusapan ay kanyang isinadukumento at kanyang ipapadala sa aking pribadong manggagamot. kinuha rin nya ang bato na lumabas sa akin at kanya raw itong ipapadala sa laborotoryo upang suriin ang mga namumuong kemikal. sinabi nya rin na normal lang daw ang aking kidney at ang daloy ng dugo at wala akong dapat ipag-alala. subalit kung sakaling kikirot ang kanan kong kidney ay sinabi nyang huwag akong magatubili na tumawag ng madaliang tulong o di kaya ay tumakbo na agad sa pagamutan para mabigyan ng nararapat na lunas.
malaki ang aking pagpapasalamat at ang lahat ay naging maayos at sa ngayon ay alam ko na ang mga dapat gawin kung sakaling mauulit ang nangyari noong nakaraang taon.