Thursday, January 21, 2010

tandang tanda ko pa...ang nakaraan...natutulog si inay



July 2004...tandang tanda ko pa...natutulog si inay...
palit-palitan kaming walong magkakapatid at si tatay na magbantay kay inay tuwing gabi para mayroon s'yang makasama sa ospital. paglabas ko galing sa trabaho ay dumiretso na ako agad sa ospital para s'yang namang makasama ni inay noong gabing iyon.

marami kaming napag-kwentuhan tungkol sa mga masasayang nakaraan sa aming buhay at pilit kong pinalalakas ang kanyang loob dahilan nga sa kanyang sakit na "breast cancer". damang-dama ko ang hirap at sakit na kanyang pinagdaraanan ng mga sandaling iyon. sinubuan ko si inay ng "wanton soup" na binili ko pa sa "spadina" bago ako tumuloy sa pagamutan. gustong gusto n'ya ito kaya't ibinilin n'ya na palagi akong magdala ng soup sa tuwing pupunta ako sa kanya.

may aircon at nakabukas noon ang bentilador ay pinapaypayan ko pa rin s'ya habang kumakain dahil napakainit daw ng kanyang pakiramdam. marahil ay dahil sa mga gamot na inilalagay sa kanyang katawan. makalipas ang maraming oras ng kwentuhan ay nakatulog na kaming pareho. dahil sa pagod ako at galing sa trabaho ay madali akong nakatulog.

kinabukasan ay maagang dumating si tatay sa ospital noon at pagkagising ko ay madali akong nagpaalam sa kanila dahil kailangan kong bumalik sa trabaho at isa sa mga kapatid ko naman ang darating na kahalili para makasama ni inay sa sumunod na gabi.

noong makaalis ako ay ang sabi ni inay ay: "AY NAKU! AY TUTULOG TULOG NAMAN SI TUTOY KAGABI! AT MAS MAHIMBING PA ANG TULOG SA AKIN" - wika ni inay sa aking kapatid :) ha-ha-ha!

dahilan nga sa pagod ako't galing sa trabaho kaya madali akong nakatulog noong sandaling iyon.

dumating na naman ang araw na ako ulit ang nakatakdang makasama n'ya sa ospital. gaya ng dati may dala akong "wanton soup" at sinubuan ko si inay ng mainit na sabaw. nagulat ako dahil napasigaw sya ng "ANG INIT!" ha-ha-ha! sobrang init pala ng soup ha-ha-ha! kaya't pinalamig namin muna ng konti at nang malamig na ay saka sya humigop ulit ng masarap na sabaw.

ng makatulog na si inay ay gumising ako at pinagmasdan ko ang kanyang mukha. dala ko noon ang aking sketch pad at lapis at iginuhit ko ang mahimbing na natutulog mahal na ina. kinabukasan, pagkagising nya at nagdatingan ang aking mga kapatid ay ipinakita ko sa kanila ang larawn ni inay.

"IYAN! SINO ANG TUTULOG TULOG!" ha-ha-ha! napatawa si inay dahil mayroon akong ibidensya na mahimbing ang tulog niya. ha-ha-ha! isa ito sa mga larawan ni inay habang s'ya ay mahimbing na natutulog sa st. joseph hospital - toronto

tandang tanda ko pa...ang nakaraan...natutulog si inay

PUMANAW SI INAY NOONG AUGUST 8, 2004 habang kumakanta kaming lahat ng "HAPPY BIRTHDAY" kasabay ang pagtulo ng aming mga luha. (kaarawan n'ya ay August 16)